Arestado ang isang lalaki matapos mahuli na may dalang marijuana habang papasok ng Festival zone ngayong hapon kasunod sa nagpapatuloy na selebrasyon ng Kalibo Ati-Atihan Festival 2023.
Hindi nakalusot sa mga pulis na nakadeploy sa Pedestrian Screening Area sa kahabaan ng XIX Martyrs Street Kalibo ang suspek na nakilala kay Glenn Reyes 48 anyos at kasama nitong si Niño Dela Cruz, 33-anyos at kapwa residente ng Barangay Andagao, Kalibo, Aklan.
Base sa pahayag ng suspek na napulot lamang nito ang nasabing supot ng marijuana sa isang basurahan sa Brgy. Andagao ilang buwan na ang nakakaraan at balak sana nitong i-surrender sa mga pulis.
Dagdag pa nito na galing siya kasama si Dela Cruz sa kanilang barangay at pupunta sila sa Purok 1 C Laserna St.
Nanindigan naman si Dela Cruz na wala siyang alam na may dala palang marijuana si Reyes at di kalaunay pinalaya rin mga otoridad matapos mapatunayan na wala talaga itong alam sa nasabing marijuana.
Sa ngayon, kasalukuyang nasa kustodiya ng Kalibo PNP ang suspek at nakatakdang isailalim sa medical examination.
Sa ngayon hinahanda na ng mga otoridad ang isasampang kasong paglabag sa Section 11 ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 bukas laban sa suspek.