Lalaking dumalo sa isang pista sa bayan ng Carmen Cebu na pinagtulungang bugbugin, natagpuang wala ng buhay
Natukoy na ang pagkakakilanlan ng isang lalaking natagpuang wala ng buhay noong Linggo ng gabi, Agosto 28, sa Sitio Acasia, Cogon East bayan ng Carmen Cebu.
Nakilala ang biktima na si Jimson Villaganas, 40 anyos at residente ng bayan ng Tabuelan.
Ayon sa pulisya, nag-iba ang kulay sa mukha ng biktima at pinaniniwalaang ang blunt traumatic injury sa ulo nito ang dahilan ng kanyang kamatayan.
Napag-alaman na pumunta si Villaganas sa nasabing bayan para dumalo sa pagdiriwang ng pista kasama ang kanyang mga kaibigan at kamag-anak.
Sa salaysay ng mga testigo, ang nasabing biktima ay pinagtulungang bugbugin ng grupo ng mga habal-habal driver na rumesponde sa umano’y sexual harassment na ginawa ng biktima sa mga babae.
Inaalam pa kung totoo ang sinabing alegasyon dahil wala namang nagreport nito sa istasyon ng pulisya.
Matapos pang gulpihin si Villaganas ay isinakay ito sa ambulansya para dalhin sa ospital ngunit tumakas ito sa pamamagitan ng pagtalon palabas sa sasakyan kaya nagtamo ito ng lubhang sugat.
Nauna pa umano ang ulo nito at tumama sa konkretong semento.
Dinala ito sa ospital ngunit idineklara itong dead on arrival.
Pinayuhan naman ang pamilya nito na ipa-autopsy ang bangkay para malaman kung ano ang sanhi ng kanyang pagkamatay.