Bigo ang Los Angeles Lakers na ma-sweep ang Houston Rockets, daan upang umabot sa Game 5 ang matchup ng dalawa sa nagpapatuloy na 2026 Playoffs.
Tinambakan ng Rockets ang Lakers sa Game 4, sa pangunguna ng bagitong guard na si Amen Thompson na kumamada ng 23 points at pitong assists.
Pare-parehong gumawa ng double-digit scores ang limang starter ng Houston at sa pagtatapos ng 3rd quarter, tangan na ng koponan ang 25 points na kalamangan, 90-65.
Tanging sampung puntos lamang ang nagawa ng NBA superstar na si Lebron James sa loob ng 33 mins na kaniyang paglalaro. Sa 9 shots na kaniyang pinakawalan, dalawa lamang ang nakapasok.
Pare-parehong nangulelat ang Lakers players, maliban lamang sa sentro ng koponan na si Deandre Ayton na gumawa ng 19 points at sampung rebounds.
Tinapos ng Houston ang laban sa score na 115-96, hawak ang 48 overall shooting percentage.
Hindi pa rin nakakapaglaro sina Rockets center Kevin Durant at Lakers guard Luka Doncic dahil sa minor injury.
Babalik na rin sa Los Angeles ang laban para sa Game 5, isang do-or-die game.















