-- Advertisements --

Walang hurisdiksyon si Pangulong Rodrigo Duterte sa Commission on Audit (COA) para utusan itong ihinto ang audit sa mga government transactions, ayon kay Albay Rep. Edcel Lagman.

Ginawa ni Lagman ang naturang pahayag matapos sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte kagabi sa isang public address na dapat ay ihinto ng mga state auditors ang pagsita sa mga transaksyon ng pamahalaan at pag-publish ng reports nito matapos na sitahin ang “deficiencies” ng Department of Health (DOH) sa P67 billion pandemic funds nito.

Iginiit ni Lagman na ginagampanan laman ng COA ang mandato nito na itinatakda ng Saligang Batas para tiyakin na nagagamit ng husto ang pondo ng taumbayan.

Tila kinalumutan aniya ni Duterte na ang COA ay isang independent constitutional commission na hindi kailanman accountable sa presidente.

Mandato rin aniya ng COA na isapubliko ang “sanctionable negligence” at”culpable misuse” ng kaban ng bayan.

Sa halip na pilayin ang COA, dapat ang ipina-utos ni Duterte ay ang prosecution ng mga opisyal na sinita ng COA.