-- Advertisements --

Sinabi ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson na wala pa siyang natatanggap na kumpirmadong impormasyon kaugnay ng kumakalat na ulat sa social media na umano’y naaresto na si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa.

Sa isang panayam, sinabi ni Lacson na “negative” ang impormasyong natanggap niya mula sa kaniyang mga contact sa National Bureau of Investigation (NBI).

Wala rin aniya siyang natatanggap na kumpirmasyon mula sa Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP).

Ayon sa senador, kung totoo ang mga ulat na naaresto si Dela Rosa, malamang ay naihatid na ito sa airport.

Nauna ring sinabi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na wala pa siyang impormasyon hinggil sa kumakalat na balita.

Samantala, sinabi ni Department of Justice (DOJ) spokesperson Atty. Polo Martinez na wala pa ring detalye ang kanilang tanggapan kaugnay ng naturang ulat.

Itinanggi rin ni NBI Director Melvin Matibag na ang kanilang ahensya ang nagsagawa ng anumang pag-aresto kay Dela Rosa.

Nahaharap si Dela Rosa sa warrant of arrest na inilabas ng International Criminal Court (ICC) kaugnay ng imbestigasyon sa umano’y crimes against humanity na may kaugnayan sa kampanya kontra ilegal na droga noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa kasalukuyan, wala pang opisyal na kumpirmasyon mula sa alinmang ahensya ng pamahalaan o sa kampo ni Sen. Dela Rosa hinggil sa mga kumakalat na ulat ng kanyang umano’y pagkakaaresto.