-- Advertisements --

Tukoy na umano ni Senador Panfilo “Ping” Lacson ang bagman ni Senador Alan Peter Cayetano na nasa likod diumano ng ghost flood control projects sa Taguig City.

Kabilang na ang mga proyektong nakalista sa ilalim ng mga kompaniya ng mag-asawang kontratista na sina Curlee at Sarah Discaya.

Bagamat hindi pinangalanan, sinabi ni Lacson na kumakalap na sila ng kaukulang ebidensiya hinggil sa naturang bagman. Ayon sa senador, ang ebidensiyang kinakalap ng kaniyang team ay nakasalalay o nakadepende na sa pag-iimbestiga at desisyon ng Ombudsman.

Una na ngang inakusahan ni Lacson ang isang Taguig engineer nang paglilipat umano ng halos kalahating bilyong piso sa pamamagitan ng isang casino sa Metro Manila na nasa ilalim ng dalawang alias.

Samantala, sinabi rin ni Lacson na natuklasan ng kaniyang team na ang mga proyekto sa Taguig mula 2020, kung saan nagsilbi noon si Cayetano bilang House Speaker, ay nakalista sa ilalim ng St. Timothy at St. Gerard, na kapwa mga construction firms ng mag-asawang Discaya subalit inimplementa ng ibang partido.

May hawak umano ang senador na mga kopiya ng tseke, bagamat inamin niyang ‘work in progress’ pa ang findings at subject sa validation. Inihayag naman ni Lacson na maaaring lumabas dito na depektibo, substandard o ghost ang mga proyekto.

Inilahad din ni Lacson na ang mga iregularidad sa mga proyekto ay parte ng mas malawak pa na kickback scheme. Inihalimbawa niya ang ilang proyekto na nagkakaroon ng overlap para makatipid ang kontraktor upang may maipambayad sa kickbacks.

Tiniyak naman ni Lacson na kanilang masusing iimbestigahan lahat para patunayang mayroong ghost projects sa Taguig.

Itinanggi naman ni Cayetano na may ghost project sa siyudad at walang kaso na isinampa laban sa kaniya kaugnay ng mga alegasyon.