-- Advertisements --

Ibinunyag ni Senador Panfilo “Ping” Lacson na may mga impormante at testigo na umanong handang magbigay ng impormasyon at ebidensiya laban kay dating Senate President Alan Peter Cayetano, matapos umano siyang atakihin nito sa usapin ng kanyang integridad.

Sa  ng isang pahayag, sinabi ni Lacson na binibilang na niya ang mga taong kusang lumalapit upang tumestigo laban kay Cayetano na maaring mag dala sa kapwa senador sa bilangguan.

Nag ugat ang palitan ng mainit na pahayag ng dalawang senador matapos na kinuwestiyon ni Cayetano ang paglaki ng idineklarang net worth ni Lacson sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).

Bilang tugon, iginiit ni Lacson na lehitimo ang pagtaas ng kanyang yaman dahil halos tatlong taon siyang wala sa gobyerno at kumita mula sa pribadong sektor, bagay na aniya’y makikita sa kanyang income tax returns noong 2023 at 2024.

Kasabay nito, inakusahan din ni Lacson si Cayetano ng umano’y P6.79 bilyong “pork barrel-like” budget insertions sa 2025 General Appropriations Act (GAA) at nagbunyag ng umano’y mga “ghost” flood control projects sa Taguig City.

Sa huli, iginiit ni Lacson na ang kanyang integridad ang pinakamahalagang bagay na pinangangalagaan niya sa mahigit limang dekadang panunungkulan sa serbisyo publiko at hindi niya hahayaang masira ito dahil sa mga paratang laban sa kanya.