CEBU CITY – Tuluyan nang kinasuhan ng National Bureau of Investigation (NBI)-7 ang walong opisyal ng Philhealth (Philippine Health Insurance Corporation)-7 at apat na kawani ng Perpetual Succour Hospital dahil sa umano’y anomalya sa claims para sa mga pasyente ng COVID-19 (Coronavirus Disease 2019).
Ito’y matapos nakita mismo ng NBI-7 sa kanilang imbestigasyon na may “fraudulent claims” na umabot sa mahigit P300,000.
Ayon kay NBI-7 director Atty. Renan Oliva, may nangyaring “upcasing” upang makakuha ang nasabing pagamutan ng mas mataas na claims sa Philhealth.
Batay sa kanilang findings, isa rito ang tatlong beses nang nagnegatibo sa COVID na si “Patient X” ngunit idineklara pa rin ng Perpetual Succour na namatay ito sa coronavirus noong Mayo 16.
Napag-alaman na hindi isinali sa mga dokumento ang swab test ng pasyente upang makuha ang insurance mula sa Philhealth.
Dagdag pa ni Oliva na nakita rin sa medico legal na namatay ang pasyente sa non-COVID-19 pneumonia.
Nahaharap ang mga indibidwal na ito sa patung-patong na kaso, bukod pa sa administrative case.
Sa panig ng Philhealth-7, nirerespesto raw nila ang kanilang sinapit kasabay ng paninindigan na nananatili silang tapat sa serbisyo.
Una nito, nakatanggap ng reklamo ang Bombo Radyo Cebu patungkol sa kwestyonableng claims sa Philhealth laban sa nabanggit na Catholic-run hospital.















