-- Advertisements --

Wala na sa ngayon sa kustodiya ng Kamara ang dating executive ng Pharmally Pharmaceutical Corp. na si Krizle Mago.

Sa isang pulong balitaan, sinabi ni House Committee on Good Government and Public Accountability chairman Michael Aglipay na noong Lunes pa aniya umalis sa Batasan Complex si Mago.

Ito ay kasunod nang kanyang pagsulat sa opisina ni Speaker Lord allan Velasco noong nakaraang linggo, kung saan ipinaalam niyang nais na niyang tapusin ang volunatry protective custody sa kanya ng Kamara.

Nabatid na mahigit isang buwan ding nasa ilalim ng proteksyon ng Kamara si Mago mula nang hiniling niya ito sa liderato ng Kamara.

Ito ay dahil na rin sa mga banta o pangamba sa kanyang buhay dahil sa mga naging rebelasyon niya sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa kontrobersyal na deal ng kanilang kompanya sa gobyerno.