Isinugod sa ospital ang Queen of All Media Kris Aquino upang sumailalim sa ilang pagsusuri matapos lumabas ang “alarming” na resulta ng kanyang blood panel.
Sa isang post sa Instagram noong Agosto 19, ibinahagi ni Kris na siya ay nasa ospital kasama ang anak na si Bimby para tumanggap ng kanyang ikalawang dose ng gamot.
Ayon kay Aquino, ang kanyang doctor ang nakakita ng kakaibang resulta ng kanyang blood test at agad siyang pinayuhan na sumailalim sa ultrasound at iba pang pagsusuri.
Ipinaliwanag ng tatlong espesyalista na hindi dapat ipagpaliban ang mga ito dahil maaaring malagay sa panganib ang kanyang kalagayan.
Matatandaan na si Kris ay may 11 autoimmune diseases at kasalukuyang umiinom ng matatapang na gamot tulad ng immunosuppressants, antihistamines, at iba pang vitamins. Mas pinili niyang magpagamot sa mga Pilipinong doktor kaysa gumamit ng gamot na hindi siya sigurado, lalo na’t allergic siya sa blood thinners.
Humiling siya ng dasal mula sa publiko para sa kanyang patuloy na paggaling at pasasalamat sa kabutihang loob ng mga sumusuporta sa kanya.
Sa ngayon ay naninirahan siya sa compound ng kanyang pamilya sa Tarlac bilang bahagi ng kanyang anim na buwang preventive isolation.