Magkahalong takot at pasasalamat umanong iniwan ni Kris Aquino ang Agosto at ngayo’y humaharap sa magiging hamon ng “ber” months.
Pahayag ito ng 49-year-old TV host/actress kasunod ng pagbunyag na hindi na matutuloy ang kanyang television comeback, pero malaking ginahawa sa pakiramdam na negatibo sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Ayon sa “Queen of All Media,” negatibo rin ang bunso nitong si Bimby kahit pa nagkaroon ng close contact sa apat na COVID positive.
Ang panganay naman nitong si Josh ay saktong hindi nila kasama dahil nasa Tarlac.
Dalawang linggo aniya silang naka-isolate lalo’t parehong “high risk” bunsod ng isyu sa kalusugan, kaya maituturing pa ring suwerte laban sa nagdaang “scary month.”
Kamakailan nang ihayag ng dating presidential sister na linggo-linggo siyang sumasailalim sa rapid test gayundin ang kanyang dalawang anak, at lahat ng kanyang staff na kasama sa bahay.