Kinumpirma ng abogado ng kontrobersyal na movie director na si Darryl Yap na naghain ito ng ‘not guilty plea’ para sa kasong cyberlibel na inihain laban sa kanya ng actor host na si Vic Sotto.
Una ng inihain ang naturang kaso sa Muntinlupa Regional Trial Court branch 203.
Sa isang pahayag sinabi ni Atty. Raymond Fortun, ang tumatayong legal counsel nito na gaganapin ang susunod na pagdinig sa naturang kaso sa august 19.
Nag-ugat ang kaso mula sa film teaser na pinamagatang ‘The rapist of Pepsi Paloma’ na ipinalabas noong Enero 1 ng kasalukuyang taon.
Sa nasabing trailer, nabanggit ang pangalan ng actor na si Vic Sotto bilang itinuturong rapist ni Paloma.
Agad namang umalma ang kampo ni Vic Sotto dahilan para maghain ito ng kaso laban kay Yap.
Sinampahan ng libel case si Yap sa ilalim ng article 353 at 355 ng revised penal code na inamyendahan at may kaugnayan sa paglabag sa cybercrime prevention act of 2012.