-- Advertisements --

Umapela si Iloilo City Rep. Julienne Baronda sa Iloilo Regional Trial Court na bilisan ang pagresolba sa expropriation case ng More Electric and Power (MORE POWER) Corporation laban sa Panay Electric Company (PECO).

Ito ay reaksyon ni Baronda sa desisyon ni Iloilo RTC Branch 35 Judge Daniel Antonio Gerardo Amular noong Nobyembre 2019 na nagsususpinde sa expropriation proceedings.

Iginiit ng kongresista na marapat lamang maresolba ang kasong isinampa ng MORE POWER laban sa PECO sapagkat para na rin ito sa kapakanan ng mga taga-Iloilo at hindi na rin maapektuhan pa ang ekonomiya ng lungsod.

Bagama’t nirerespeto niya ang desisyon ng korte sa usapin na ito, sinabi naman ni Baronda na ipinagdarasal niyang matingnan ni Judge Amular ang merito ng kaso at bumuo ng desisyon na beneficial sa mga taga-Iloilo.

Batay sa Republic Act 11212 na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte, binibigyan ng 25 taong prangkisa ang MORE POWER para maging solo power distribution utility sa Iloilo City kapalit ng PECO.

Alinsunod dito, binibigyan din ng karapatan ang MORE POWER na bilhin ang lahat ng mga distribution assets na mayroon ang PECO.

Pero hindi ito nasunod nang harangin ng huli makaraang nagpasaklolo sa korte.