
Nais daw ng mga kongresista na magkaroon ng mas modernong gamit ang Armed Forces of the Philippines (AFP) dahil na rin sa swarming o kumpulan ng mga Chinese vessel sa Pag-asa Island.
Kasunod na rin ito ng pagdadagdag ng Kongreso ng pondo para sa Armed Forces of the Philippines Modernization Program (AFPMP) na aabot sa P6 billion.
Kaya naman umabot na sa P45 billion ang pondo para sa Armed Forces of the Philippines.
Ang Pag-asa daw kasi ang pinakamalaking Philippine-occupied landmass sa northeastern section ng disputed Spratly archipelago.
Sinabi ni Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel, ang P45 billion para sa Armed Forces of the Philippines Modernization Program sa 2023 national budget ay kinabibilangan ng P27.5 billion na programmed appropriations at ang P17.5 billion na unprogrammed appropriations.
Nasa loob na raw ng P45 billion ang dagdag na P6 billion na mas mataas naman sa P39 billion na programmed at unprogrammed appropriations para sa Armed Forces of the Philippines Modernization Program noong 2022.
Una rito, sinabi ni Pimentel na inihirit ng Department of Budget and Management ang P40 billion na programmed at unprogrammed appropriations para sa Armed Forces of the Philippines Modernization Program ngayong taon.
Kumpiyansa naman ang mambabatas na mapopondohan ng pamahalaaan ang naturang halaga para sa unprogrammed appropriations ng Armed Forces of the Philippines Modernization Program.
Ang programmed appropriations ay mayroong funding sources habang ang unprogrammed ay ibibigay ng standby authority para sa Department of National Defense (DND) para pumirma ng karagdagang kontrata para sa modernization projects depende na rin sa available government funds kabilang na ang mga uutanging pera.
Si Pimentel na dating chairperson House strategic intelligence committee ay siya ring sumusuporta sa Visiting Forces Agreement (VFA) sa gitna ng Pilipinas at United States.
Siya rin ang author ng House Bill (HB) No. 1782 na layong mabigyan ng P5 billion na pondo para sa installation ng bagong naval forward operating bases para ma-secure ang West Philippine Sea gas at oil deposits.
Ito ay para daw sa kapakanan ng bagong henerasyon ng mga Pinoy.
Noong nakaraang buwan, ipinakilala rin ni Pimentel ang House Bill No. 6228 na layong ideklara ang Pag-asa bilang leisure fishing tourism site para mahikayat ang installation ng karagdagang Philippine structures ng 37.2-hectare island.
Kung maalala, nong December 2021 hanggang June 2022 o sa huling pitong buwan ng panunungkulan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ay pumirma ang Department of National Defense ng P109 billion na halaga ng acquisition contracts para sa Armed Forces of the Philippines Modernization Program.
Kabilang dito ang P28 billion na para sa anti-ship, anti-submarine at anti-aircraft corvettes mula sa South Korea.
Nasa P18.9 billion na pondo naman ang inilaan para sa tatlong shore-based supersonic ramjet missile batteries mula sa BrahMos Aerospace ng India.
Kasama pa rito ang P32 billion na pondo para sa 32 Black Hawk choppers mula naman sa bansang Poland at P30 billion para sa six long-range offshore patrol vessels.










