CAGAYAN DE ORO CITY – Hindi mapakali ang isang barangay kapitan sa lungsod matapos makatanggap ng report na may dalawang Chinese national ang namatay dahil sa novel coronavirus sa kanyang nasasakupan.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Barangay Cugman Kapitan Wendelyn Escobia na alas-11:00 ng umaga kahapon nang nakatanggap siya ng text message at nasundan pa ito ng mga tawag galing sa hindi nagpakilalang impormante na nagsasabing may namatay na Chinese nationals matapos umanong tamaan ng coronavirus.
Dahil dito, agad nakigpag-ugnayan si Kapitan Escobia sa mga pulis at pinuntahan ang establishment kung saan daw nagtatrabaho ang mga namatay ngunit mariin namang itinanggi ng secretary ng kompanya.
Kahit medyo naibsan ang kanilang pangamba, iniutos pa rin ng kapitana na patuloy na imonitor ang dalawang kompanya sa Barangay Cugman na sinasabing maraming Chinese national na empleyado.