-- Advertisements --

Sinuspendi ang lahat ng klase sa Batangas City Integrated High School gayundin ang on-site school activities ngayong Lunes, Hunyo 29 dahil sa banta ng pamamaril sa eskwelahan.

Mananatiling kanselado ang mga klase at aktibidad sa paaralan hanggang sa maglabas ng notice.

Ayon sa eskwelahan, ipinatupad ang naturang precautionary measure para matiyak ang kaligtasan at seguridad ng lahat ng mga mag-aaral, guro at non-teaching personnel, mga magulang at iba pang miyembro ng school community.

Nakikipag-ugnayan naman na ang pamunuan ng eskwelahan sa law enforcement authorities kaugnay ng insidente.

Ayon kay PLt. Sharen Ama ng Batangas City Police – PIO, nakatanggap ang eskwelahan ng banta sa pamamagitan ng facebook page nito na target umano ang mga estudyante mula Grade 7 hanggang Grade 10.

Dummy account umano ang ginamit ng nagpakilalang Grade 10 student at biktima umano ng bullying.

Sa ngayon, nagpapatuloy aniya ang imbestigasyon sa insidente.

Ang natanggap na banta ng eskwelahan ay ilang araw lamang matapos maganap ang marahas na pamamaril sa paaralan sa Tacloban City na ikinasawi ng tatlong estudyante at ikinasugat ng 20 iba pa.