Naantala ang morning classes sa isang pampublikong high school sa Cainta, Rizal matapos makatanggap ng magkakasunod na banta ng pamamaril at bomb treat na kumalat sa social media noong Biyernes.
Ayon sa Cainta police, naka-heightened alert ang mga awtoridad at patuloy ang imbestigasyon sa mga serye ng banta laban sa Francisco P. Felix Memorial National High School.
Nagsimula ang insidente noong Huwebes ng hapon nang lumabas sa social media ang mga banta mula sa mga pinaniniwalaang dummy accounts.
Agad na rumesponde ang provincial explosive and canine unit at nagsagawa ng masusing inspeksyon sa buong paaralan gamit ang K-9 units.
Matapos ang operasyon, idineklara ng mga awtoridad na ligtas at walang natagpuang pampasabog sa loob ng campus.
Patuloy namang naka-deploy ang Cainta Municipal Police Station sa paaralan upang tiyakin ang seguridad ng mga mag-aaral at kawani.
Nanawagan ang pamunuan ng eskwelahan sa mga estudyante, guro, at magulang na manatiling kalmado at iwasan ang pagpapakalat ng hindi kumpirmadong impormasyon na maaaring magdulot ng panic.










