-- Advertisements --

Isa rin ang rape sa tinitignang anggulo ng mga awtoridad bukod sa mga kasong murder at child abuse na posibleng kaharapin ni Rowena Daud na yaya ng dalawang taong gulang na batang babae sa Barangay Culiat sa Quezon City.

Ito ay matapos na ipahayag ng mga doktor ang posibilidad nito batay sa kanilang naging pagsusuri sa katawan ng biktimang kinilalang si Sabrina.

Arestado ng ng Quezon City police si Daud nang dahil sa pagkamatay ng walang kamuwang-muwang na batang babae.

Mga sugat sa likod, paa, namamagang ulo at iba pang pinsala ang kalunus-lunos na tinamo ng biktima sa kamay ng kanyang yaya na naburyo daw o na-stress kung kaya’t napagbuhatan nito ng kamay ang bata.

Sa datos ng pulisya, isinugod ni Daud ang bata sa ospital sa kadahilanang nahulog daw ito sa hagdan ngunit hindi ito pinaniwalaan ng mga pulis nang masaksihan ang mga pinsalang tinamo ng biktima na kalaunan ay hindi na nakayanan pa ng katawan ng bata na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.

OFW sa Saudi Arabia ang single parent na ina ng biktima na nakatakda namang bumalik sa bansa matapos na mapag-alaman ang sinapit ng kanyang anak.

Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng mga pulis si Daud.