-- Advertisements --

Inanunsiyo ni Bayombong Bishop Jose Elmer Mangalinao na ibinasura na ng lokal na korte ang kasong isinampa laban sa kanya kaugnay ng kanyang pagtutol sa exploration activities ng North Luzon Minerals Resources Corporation sa bayan ng Kasibu.

Sa inilabas na pahayag, nagpasalamat ang obispo sa Diyos at sa mga kapwa niya tagapagtanggol ng watershed.

Aniya, hindi lamang ito tagumpay sa usaping legal kundi panalo rin para sa katotohanan, katarungan, at sa mga komunidad na nagsusulong ng pangangalaga sa kalikasan at likas-yaman.

Matatandaang inakusahan si Bishop Mangalinao at iba pang respondent ng pagpapanatili umano ng isang ilegal na barikada sa loob ng ancestral domain na sinasabing nakahahadlang sa mga operasyon ng kumpanya.

“The struggle continues, but today we pause to thank God and all who stood with us… and every supporter who believed in our cause,” ayon sa pahayag na inilabas ni Bishop Mangalinao.

Ang reklamong forcible entry ay inihain ni Rosario Camma, na kumilos sa kanyang personal na kapasidad at bilang overall chieftain ng Bugkalot/Ilongot Indigenous Peoples o Indigenous Cultural Communities.

“We hold no resentment toward anyone. Instead, we move forward with renewed commitment to peaceful advocacy, environmental stewardship and the protection of the sacred gift of creation,” saad ng bishop sa pahayag.