
Pormal ng naghain ng kaso ang Lanao del Sur Police laban sa tatlong mga suspek at iba pa kaugnay sa pananambang sa convoy ni Lanao del Sur Governor Mamintal Adiong Jr. na nangyari noong Pebrero 17, 2023 sa may Barangay Bato-bato sa bayan ng Maguing.
Nakaligtas naman sa assassination attemp si Governor Adiong ngunit sa kasamaang palad nasawi ang driver at iba pang security escort kabilang ang tatlong police officer.
Ayon kay Lanao del Sur PNP Spokesperson P/Maj. Alvison Mustapha, pormal ng naihain sa Marawi City Regional Trial Court ang tatlong kaso laban sa mga suspek kabilang ang 4 na bilang ng murder o pagpatay, 3 bilang ng frustrated murder at 22 bilang ng attempted murder
Natukoy ang tatlong suspek ng PNP na kabilang sa armadong grupo na nago-operate sa Maguing na sangkot sa iba’t ibang aktibidad gaya ng iligal na droga.
Ayon pa kay P/Maj. Mustapha, positibong natukoy ng mga testigo ang tatlong suspek sa ambush.
Sa ngayon, ikinokonsiderang case cleared na matapos nga maihain na ang mga kaso subalit hindi pa ito case closed hangga’t hindi pa nahuhuli ang mga suspek.
Inaantay pa ng mga awtoridad ang pag-iisyu ng arrest warrant mula sa korte.









