Suportado at handang magbigay ng tulong ang Cebu Provincial Government sa Pamahalaang lungsod ng Cebu kung sakaling gaganapin ang Palarong Pambansa dito sa susunod na taon.
Inihayag ni Cebu Gov. Gwendolyn Garcia na kabilang sa iaalok ay ang mga pasilidad ng mga bayan at component cities bilang mga lugar para sa ilang mga sporting events.
Sinabi pa ni Garcia na kung tatanggapin ng lungsod ang tulong, hiniling nito kay Cebu City Sports Commission President John Pages na isama rin ang Kapitolyo sa mga pagpaplano at koordinasyon upang matiyak ang maayos at matagumpay na sporting event.
Ayon pa kay Pages na nasa 12,000 atleta mula sa 17 rehiyon ng bansa ang inaasahang lalahok sa pinakamalaking youth sports meet sa bansa sa susunod na taon.
Kaugnay nito, nag-aalok ang Kapitolyo ng iba’t ibang mga pasilidad ng lalawigan na maaring magagamit bilang mga posibleng venue para sa ilang mga sporting event, tulad ng New Sports Complex ng Carcar City na may oval, grandstand , soccer field, isang Olympic-sized na swimming pool, at isang diving pool.
Matatandaan na una nang nagpahayag ng pagnanais ang lungsod na mag-host ng Palaro kung saan huli itong naghost ay noon pang 1994 o 30 taon na ang nakalipas.










