Tiniyak ni Speaker Martine Romualdez ang transparency sa isinusulong na panukalang Maharlika Investment Fund na isa sa mga key safeguards na isinama ng Kamara para matiyak ang proper utilization ng naturang pondo at maiwasan ang maling paggamit sa sovereign wealth fund.
Nuong nakaraang Huwebes inaprubahan na ng Kamara sa third and final reading ang House Bill (HB) No. 6608 na layong magtatag ng MIF kung saan nakakuha ito ng overwhelming votes mula sa mga lawmakers, matapos na sertipikahang urgent ni Pangulong Bongbong Marcos.
Ipinunto ni Speaker Romualdez na sa ilalim ng approved House Bill 6608, nakapaloob sa isang probisyon na ang publiko ay maaring gamitin ang right to freedom of information kaugnay sa MIF financial matters.
Ang nasabing panukala ay iminungkahi ni ACT Teachers Party-list Rep. France Castro.
Sa panig naman ni Albay 2nd District Rep. Joey Salceda, chairman ng technical working group (TWG) sa HB 6608, na ang nasabing safeguard ay nakapaloob sa Section 29 ng nasabing panukala subalit pinili pa rin nito na tanggapin ang amendment ng teacher solon.
Gayundin, itinatadhana ng panukala na ang mga talaan sa Maharlika Investment Corporation (MIC) na nauukol sa mga aktibidad sa pamumuhunan nito ay dapat siguruhin at pananatilihin alinsunod sa mga tuntunin ng National Archives of the Philippines.
Layunin ng HB 6608 ay para sa pagtatatag ng MIF upang isulong ang pag-unlad ng ekonomiya sa pamamagitan ng paggawa ng mga estratehiko at kumikitang pamumuhunan sa mga pangunahing sektor.
Gayunpaman, inilaan din nito ang hindi bababa sa 25 porsiyento ng netong kita ng MIC para sa mga programang panlipunang kapakanan.










