Nakokompromiso na sa ngayon ang kalidad ng serbisyo ng mga nurses dahil pinipilit na silang hawakan ang napakaraming mga pasyente sa harap nang pagsipa ulit ng bilang ng mga COVID-19 cases, ayon sa Filipino Nurses United (FNU).
Ayon kay FNU Secretary General Jocelyn Andamo, nakaawa at nakakalungkot na ang kalagayan ng mga nurses sa ngayon.
Ang ideal kasi na hina-handle ng isang nurse ay nasa tatlo hanggang anim na COVID-19 patients, pero hindi na ito nasusunod dahil aabot na sa 10 hanggagn 12 pasyente ang kanilang hinahawakan.
Sinabi ni Andamo na halos hindi na rin makakain at makapagpahinga lamang ang mga nurses dahil sa tindi ng trabaho na nakaatang sa kanilang mga balikat sa ngayon.
Nauna nang sinabi ng FNU na hindi sapat ang bilang ng mga health workers para tapatan ang pagtaas sa bilan naman ng mga inilalaang kama para sa COVID-19.
Bukod dito, marami pa rin aniyang mga nurses ang hindi nakakatanggap ng kanilang mga benefits mula sa napaso nang Bayanihan 2.
Kahapon, sinabi ng Department of Health na tuloy-tuloy pa rin ang hiring nila ng marami pang mga health workers sa gitna ng banta ng COVID-19 cases.