Kalagayan ng kalusugan ni NegOr Gov. Guido Reyes, bumuti na umano ; Gobernador, nagpaabot ng mensahe sa mga NegOrenses
Ibinunyag ni Provincial Administrator Atty. Karen Lisette Molas na posible nang makipagpulong sa iba’t ibang tanggapan sa susunod na mga linggo si Negros Oriental Gov. Guido Reyes matapos bumuti na ang kalagayan ng kalusugan nito.
Sa isinagawang flag raising ceremony nitong Lunes, Abril 3, inihayag pa ni Molas na hindi pa pinapayagan si Reyes ng doktor na ma-expose ng maraming tao pero bumuti na umano ang boses nito at gumagaling na.
Idinagdag pa nito na ipinaabot umano ng gobernador sa lahat ng nasa pamahalaang panlalawigan na bigyang partikular na atensyon ang pangangalaga sa pakikitungo sa mga kliyente tulad ng mga pasyente sa mga ospital, mga indibidwal na nasa krisis, at iba pa at pagsilbihan ang mga ito nang may paggalang.
Kasabay ng selebrasyon ng Semana Santa, hiniling din umano ng opisyal na tingnan ang ating sarili at suriin kung may mga bagay na kailangang pagbutihin.
Matatandaan na namamaos pa ang boses at naging emosyonal ang unang pagbalik ni Reyes sa Kapitolyo noong Marso 13 bilang bagong gobernador ng lalawigan matapos pinaslang si dating Negros Oriental Gov. Roel Degamo.










