KORONADAL CITY – Nagpapagaling pa ngayon sa natamong sugat ang isang barangay kagawad at kasama nitong BPAT sa lungsod ng Koronadal matapos na pagtulungang bugbugin at hatawin ng tubo makaraang siputin ang isang menor de edad na lumabag sa health protocol.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Brgy. Zone 1 Kgd. Edzel Celestial, magkasama sila ng isang miyembro ng BPATs na nasaktan matapos gulpihin at hatawin ng tubo ng hindi bababa sa anim na tao kabilang mga menor de edad.
Ayon kay Celestial, bago pa man nangyari ang rambol ay dinampot ng mga tanod ang isang menor at dinala sa himpilan ng pulisiya dahil sa hindi nito pagsusuot ng face mask.
Ngunit, pinuntahan siya ng lasing na ama ng menor de edad at pinagmumura kung saan inaakusahan pa umano sila na pinag-initan lamang daw ng mga ito ang kaniyang anak kahit walang kasalanan.
Kaya’t sinagot din umano siya ni Celestial kaya’t nagkaroon ng mainit na pagtatalo hanggang sa humantong sa pananakit at paghataw ng tubo sa kanya kung saan tumulong din ang nasa 6 na mga kabataang nag-iinuman.
Ngunit, baliktad naman ang pahayag ng suspek dahil ang brgy. kagawad umano ang unang nanghampas ng tubo sa kaniya kaya’t gumanti ito.
Sa ngayon, pinag-iisipan pa ng brgy.council ang gagawing hakbang upang hindi na mangyari pa ang naturang insidente .
Aminado naman ang barangay council na palaging inirereklamo ang nabanggit na mga menor de edad dahil sa maituturing na “trouble maker” ang mga ito.