Bumuwelta ngayon si Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio sa naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang probisyon sa 1987 Constitution sa pagprotekta sa exclusive economic zone (EEZ) ng bansa ay “thoughtless” at “senseless.”
Sa talumpati ni Carpio sa graduation rights ng University of the Philippines-College of Social Sciences and Philosophy, tahasang sinabi ng senior associate justice na hindi “thoughtless” at “senseless” ang probisyon sa ating konstitusyon taliwas sa pahayag ng Pangulo.
“This exclusivity is not a thoughtless and senseless provision in our Constitution as President Rodrigo Duterte has unfortunately characterized,” wika ni Carpio.
Ang pahayag ni Carpio ay kasunod ng paggigiit ni Duterte sa kanyang posisyon na hindi kayang makipaglaban ng bansa sa China.
Ito ay kasunod na rin ng banta ni Chinese President Xi Jinping na “trouble” kapag ipagpapatuloy ng bansa ang drilling ng langis sa pinag-aagawang isla sa West Philippine Sea.
“That is a provision for the thoughtless and the senseless. The protection about economic rights, about the economic zone, resources? I am protecting the country and 110 [million] Filipinos,” wika ni Duterte.
Iginiit ni Carpio na ang arbitral tribunal decision noong 2016 ay malinaw na nagpapaliwanag na ang sovereign rights ng bansa para sa access ng offshore oil at gas fields ay sakop ng 200-mile exclusive economic zone (EEZ).
Alam din umano ng lahat na kapag lalaban ang Pilipinas para ipatupad ang arbitral ruling ay siguradong talo ang bansa.
Gayunman, sinabi ni Carpio na ang tamang paraan para protektahan ang ating teritoryo ay sa pamamagitan ng rule of law.