Sa unang pagkakataon, isinapubliko na ni Julia Barretto ang larawan nila ng boyfriend at kapwa artistang si Gerald Anderson.
Ito’y kasabay ng 32nd birthday ng Fil-Am actor ngayong araw, March 7.
Sa naturang larawan, tila nasa beach ang magkasintahan habang magkayakap at nakahalik si Anderson sa 23-year-old actress.
“Everyday I celebrate you, but today I am extra grateful 🤍 Happy birthday my love, I am SO PROUD OF YOU,” caption ni Barretto.
Kung maaalala, nitong Biyernes nang lumabas ang one-on-one interview ng King of Talk na si Boy Abunda kay Anderson.
Dito ay inihayag ng aktor na”very happy” sila kaya hindi na papatol sa mga kritiko sakaling magsulputan muli.
Kung maaalala kasi, kontrobersyal ang love life ni Anderson kasunod ng paghihiwalay nila ni Kim Chiu. Sunod kasi nitong naging karelasyon ang best friend ni Kim na si Maja Salvador, habang ikinagalit din ng fans ni Bea Alonzo ang “ghosting” o pang-iiwan sa kanya ng aktor sa ere.
Nitong Enero naman nang aminin ni Julia na siya ay TAKEN na kung saan bagamat hindi tinukoy si Anderson, swak naman ang mga kasagutan nito gaya ng urban slang para sa salitang foreigner na “AFAM,” at “OLDER” guy daw ito.
Una nang naging usap-usapan na magkasama silang nag-hiking sa Mt. Kulis bago mag-Pasko, at magkasamang sinalubong sa Baguio ang bagong taon.
Samantala, sa bisperas ng kanyang kaarawan kahapon ay magkasamang namahagi ng ayuda ang magkasintahan sa Aeta families na naninirahan sa Lupang Pangako Resettlement sa Barangay San Agustin, Iba, Zambales.
Sa official Facebook ng Philippine Coast Guard, nakasaad na 300 Aeta pamilya sa nasabing lugar ang naabutan ni Lieutenant Commander Gerald Anderson ng basic commodities.
Ilan dito ang bigas, mga delata, kape, instant noodles, biscuits, at hygiene supplies.