Itinanggi ng pamahalaan ng Jordan nitong Linggo na nag-utos ito ng evacuation sa international airport at seaport sa Aqaba matapos sabihin ng Embahada ng Estados Unidos sa Amman na in-evacuate ang naturang mga pasilidad dahil sa banta sa seguridad.
Ayon kay Jordanian government spokesman Mohammad al-Momani, walang inilabas na kautusan ang mga awtoridad para i-evacuate ang mga pasahero at manggagawa sa Aqaba Airport at seaport.
“authorities have not issued any decisions to evacuate Aqaba Airport or the seaport, and both are operating normally”, pahayag ni al-Momani sa Agence France-Presse (AFP).
Dagdag pa niya, wala ring natukoy na anumang “potential threats” na maaaring magdulot ng panganib sa seguridad.
Nauna rito, sinabi ng Embahada ng Amerika na ipinasara umano ng mga awtoridad ang airport at seaport sa Aqaba, Jordan dahil sa isang “unspecified threat.”
Gayunpaman, hindi nagbigay ang embahada ng karagdagang detalye tungkol sa naturang impormasyon.
Samantala, sinabi ng militar ng Estados Unidos na dalawa nitong sundalo ang nasawi at isa pa ang nawawala matapos ang isang pag-atake ng Iran sa Jordan noong Sabado.
Kasunod nito, nagbabala ang Supreme Leader ng Iran na si Ayatollah Ali Khamenei na magbabayad ang Washington dahil sa umano’y pagpapalala nito sa sigalot, matapos ang ikapitong sunod na gabi ng airstrikes ng Amerika.










