Nalalapit na ang pagbuti ng electric power supply sa lalawigan ng Negros kasunod ng ginagawang pagtalakay ng National Electrification Administration sa nabuong joint venture agreement sa pagitan ng Primelectric Holdings Inc at Central Negros Electric Cooperative, Inc.
Ayon kay National Electrification Administration Administrator Antonio Almeda dahil natapos na ang plebisito na pumabor sa Joint Venture Agreement ay ang pagpapatupad nito ang siya ng gagawin ng kanilang ahensya.
Batay sa naging kasunduan 8 buwan ang target bago ito masimulan.
Kung maaalala, noong Setyembre 12 ay inanunsyo ng ahensya na umabot sa 98,591 member consumers ang pumabor para sa JVA kontra sa 6,899 na hindi pabor.
Ang Primelectric ay sister company ng More Electric and Power Corporation na power distribution utility sa Iloilo City.
Sa oras na makumpleto ang naturang kasunduan, ang Ceneco-Primelectric merger company ay tatawagin nang Negros Electric Power Corp.
Sa naging pulong sa National Electrification Administration ay iniharap ni Primelectric President Roel Castro ang kumpletong detalye ukol sa JVA gayundin kung paano ito ipatutupad at ang target na modernisasyon sa mga pasilidad.
Sa panig ng CENECO, sinabi ni acting general manager Atty. Arnel Lapore na umaasa syang agad mapasisimulan ng NEA ang JVA.
Target ng Primelectric na maglaan ng P2.1 billion investment na nakatuon sa pag momodernisa ng power distribution system.
Sinabi naman ni Castro na sa oras na maayos ang distribution system ay kasunod na din masosolusyunan ang mataas na singil sa systems losses na syang pinapasan ng mga consumers.
Nangako si Castro na pagsapit ng 2028 ay makakamit nila ang 100 % target na total electrification sa Negros.
Upang maisakatuparan ang target na mga programa ay tiniyak ng Negros Electric Power Corp. ang kanilang kooperasyon sa National Electrification Administration.