-- Advertisements --
BI bureau of immigration

Ipapa-deport at hindi na kailanman pababalikin sa bansa ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Japanese national na sangkot sa theft at financial fraud sa kanilang bansa.

Ayon kay Bureau of Immigration Commissioner Norman Tansingco, ang naturang banyaga ay nakilalang si Risa Yamada, 26-anyos na naarestio ng mga otoridad sa Roxas Blvd. sa Pasay City ng mga operatiba ng fugitive search unit (FSU) ng Immigration bureau.

Ang naturang suspek ay kasabwat umano ng iba pang mga suspek sa pagnanakaw ng data mula sa mga Automated Teller Machine (ATM) cards ng kanilang mga biktima.

Nakapambiktima ang mga ito matapos magpanggap na bank employees at police officers.

Lumalabas na undocumented si Yamada noong ito ay naaresto dahil ang kanyang pasaporte ay kinansela na ng Japanese government.

Una rito, sinabi ni Tansingco na nag-isyu ito ng mission order para sa ikadarakip ni Yamada sa pamamagitan na rin ng request ng mga otoridad ng Japan na nasa Manila.

Ang Japanese authorities din ang nagsabing nais nilang ipa-deport sa Japan ang subject para harapin ang kanyang mga kaso sa naturang bansa.

Sinabi naman i BI-FSU Chief Rendel Sy, na si Yamada ay subject ng arrest warrant na inisyu ng Tokyo Summary Court noong Setyembre 15, 2022 dahil sa kinasasangkutang krimen.

Sa kasalukuyan ay nakapiit na ito sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang hinihintay ang deportation proceedings.