-- Advertisements --

PH, JAPAN NAGHAHANDA PARA SA STATE VISIT NI PBBM SA TOKYO

Naghahanda na ang Pilipinas at Japan para sa nakatakdang State Visit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Tokyo mula Mayo 26 hanggang 29, kung saan inaasahang pag-uusapan ang pagpapalakas ng ugnayan sa energy, defense, at maritime security.

Ayon kay DFA Secretary Ma. Theresa Lazaro, nakipagpulong siya kay Japanese Ambassador Endo Kazuya upang plantsahin ang mga paghahanda at posibleng kasunduan para sa pagbisita ng Pangulo.

Sa State Visit, sasalubungin sina Marcos at First Lady Liza Araneta-Marcos ng Emperor at Empress ng Japan sa Imperial Palace.

Magkakaroon din ng summit meeting si Marcos kay Japanese Prime Minister Sanae Takaichi kung saan tatalakayin ang mas malalim na kooperasyon sa seguridad, ekonomiya, pagkain, at enerhiya.

Bahagi rin ng biyahe ang pakikipagpulong ng Pangulo sa Japanese business groups at Filipino community sa Japan.

Ngayong taon ay ipinagdiriwang din ng Pilipinas at Japan ang ika-70 anibersaryo ng normalization ng diplomatic relations ng dalawang bansa. (Report by Bombo Jai)