-- Advertisements --

LA UNION – Dead on the spot ang isang kawani ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) matapos bumangga ang minamaneho nitong kotse kaninang alas-12:10 ng madaling araw sa kahabaan ng national highway ng Barangay Baccuit Sur sa Bauang, La Union.

Nakilala ang biktima na si Jail Officer 1 Argie Neroza, 38-anyos na nakadestino sa San Fernando City Jail sa Barangay Camansi at residente ng Barangay San Antonio sa bayan ng Agoo, La Union.

Base sa imbestigasyon ng Bauang Police, habang nagmamaneho ng sasakyan ang biktima ay bigla na lamang itong bumangga sa sinusundang truck na naglalaman ng saku-sakong semento na minamaneho ng nagngangalang Joven Alcantara ng San Fabian, Pangasinan.

Galing umano mula sa outerlane ng kalsada ang truck at patungo sa innerlane nang sumalpok ang kotse.

Pumailalim pa sa truck ang sasakyan ni Neroza at wasak din ang harapang bahagi nito.

Nabatid na galing sa trabaho ang biktima at pauwi na sana ito sa kanilang tahanan.

Nasa isang punerarya na sa bayan ng Bauang ang bangkay ng jail officer.

Inihahanda na rin ang kaso laban sa respondent driver na ngayon ay nasa kustodiya pa ng pulisya.