-- Advertisements --

Ipinagmalaki na iniulat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ang itinatayo na dialysis center sa National Kidney Transplant Institute (NKTI) ay maituturing na pinakamalaki sa Southeast Asia.

Layon nito upang mapalawak ang serbisyong medikal para sa mga pasyenteng may chronic kidney disease (CKD). 

Ayon sa Pangulo, mahigit 11% ng mga Pilipino ang may CKD kaya pinalalakas din ng pamahalaan ang mga programa sa pag-iwas at paggamot sa sakit. 

Bukod dito, itinaas ng PhilHealth ang benepisyo para sa dialysis patients, kabilang ang dagdag na hemodialysis sessions at mas mataas na coverage kada session. 

Target na magsimula ang operasyon ng bagong dialysis center sa unang bahagi ng 2028. 

Samantala, personal binisita ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Tatalon sa G. Araneta Avenue, isang lugar na madalas bahain tuwing malakas ang ulan, upang inspeksyunin ang mga ipinatayong imprastraktura para sa flood control.

Ayon sa Pangulo, nagpatayo ang pamahalaan ng malalaking drainage system, kabilang ang mga malalaking tubo sa ilalim ng kalsada, na layuning mapabilis ang pagdaloy ng tubig patungong San Juan River at maiwasan ang pagbaha sa lugar.

Sinabi rin niya na mas epektibo na ang kasalukuyang sistema, dahil mas mabilis na ang pag-alis ng tubig kumpara noon, kung kailan umaabot pa umano sa ikalawang palapag ang baha tuwing malakas ang ulan.

Gayunman, binigyang-diin ng Pangulo na nananatiling hamon ang pagdami ng basura na bumabara sa mga drainage tuwing umuulan. Dahil dito, nakatakdang makipag-ugnayan ang pamahalaan sa lokal na pamahalaan ng Quezon City upang palakasin ang regular na paglilinis at declogging ng mga daluyan ng tubig.

Plano rin ng administrasyon na ipagpatuloy ang proyekto sa kabilang bahagi ng lugar upang higit pang mapabilis ang daloy ng tubig at maiwasan ang matinding pagbaha sa Tatalon.