-- Advertisements --

Inihayag ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu na malapit nang makumpleto ng Israel ang layunin nitong mapatay ang lahat ng nasa likod ng pag-atake ng Hamas noong Oktubre 7, 2023.

Ito ay matapos ianunsyo ng militar ng Israel na napatay sa airstrike sa Gaza si Ezzedine Al-Haddad, isa sa mga commander ng armadong grupo ng Hamas.

Ayon kay Netanyahu, ipinangako niyang papanagutin at papatayin ang lahat ng utak sa pag-atake at hostage-taking na ikinasawi ng mahigit 1,200 katao sa Israel.

Sinabi rin niya na kontrolado na ngayon ng Israel ang 60 porsyento ng Gaza at patuloy nilang titiyakin na hindi na muling magiging banta ang lugar sa kanilang bansa.

Sa kabila nito, ayon sa health ministry sa Gaza, mahigit 72,700 katao na ang nasawi sa opensiba ng Israel mula noong Oktubre 2023, at karamihan umano rito ay mga sibilyan.