TOLEDO CITY -Nasakote ng Toledo City Police ang dalawang indibidwal dahil sa umano’y pagnanakaw ng P3 milyon na pera mula sa isang senior citizen noong Oktubre 29, 2022 sa Brgy. Poblacion lungsod ng Toledo.
Kinilala ang mga suspek na sina Remy Camoro Malabo at si Marvin Camoro Malabo na residente lang sa nabanggit na lugar.
Nakilala naman ang biktimang 73-anyos na si Zinito Blanco Pahaganas.
Base sa imbestigasyon ng pulisya, nilooban pa ng dalawa ang pamamahay ni Pahaganas at tinangay ang pera.
Nakita pa umano ang mga ito ng biktima at pamangkin nito na tumatakbo palayo sa kanyang bahay dala ang isang ecobag na pinaniniwalaang naglalaman ng ninakaw na pera.
Inireport ito sa pulisya at nagresulta sa mabilis na pagkilala at pagkakaaresto sa mga suspek matapos ang isinagawang operasyon.
Narekober mula sa possession ng bawat isa sa mga suspek ang 50 piraso ng 1,000-peso bill at ang iba pang pera ay hindi pa natunton.
Nasa kustodiya na ngayon ng Toledo City police station ang mga naaresto at nakabinbin ang pagsasampa ng tamang kaso sa korte.