
Nagbabala ang isang Senador sa nakaambang kakapusan naman ng suplay ng itlog sa bansa.
Ayon kay Senator Risa Hontiveros kailangan ng Department of Agriculture (DA) na agad na aksyunan ang tumataas na presyo ng itlog sa merkado bago ito lumala hindi lamang sa industriya ng itlog kundi pati na rin sa mga sambahayan na may mababang kita na umaasa sa mga itlog bilang kanilang pinakamurang pinagkukunan ng protina.
Kaugnay nito, muling hinimok ng Senadora ang Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magtalaga na ng isang competent at permanenteng kalihim ng DA at hindi lamang part-time dahil hindi aniya matutugunan ang mga full time na problema sa agrikultura na kinakaharap ng ating bansa.
Sa kasalukuyan kasi, si Pangulong Marcos Jr. ang siyang tumatayong head ng DA.
Inihayag din ni Sen. Hontiveros na dapat na ikonsidera ng administrasyong Marcos ang alternatibong solusyon para sa nasabing krisis sa halip dumipende sa importasyon sa tuwing nagkukulang ang suplay at tumataas ang presyo ng mga bilihin.








