Ipinasa ng Sangguniang bayan ng Taytay, Rizal ang isang resolution na naggigiit ng kalayaan nitong pumili at matalinong pagpapasya sa pagsama sa Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) na isinusulong sa Kongreso na maging mandatoryo.
Ito ay ang Resolution No. 199 na pasado na sa ikatlo at huling pagbasa nitong Lunes.
Iginiit sa naturang resolution na mahalaga na ikonsidera ang free will ng mga estudyante na makibahagi sa ROTC program para sa matagumpay na implementasyon nito.
Ikinatuwa naman ng Kabataan Partylist (KPL) mula sa Mababang kapulungan ng Kongreso na isa sa mariing tumututol sa mandatoryong military training sa bansa ang pagkakapasa ng naturang resolution na tinawag nitong landmark piece ng legislation sa pamamagitan ng mga grassroots consultation.
Inihayag din ng Sangguniang bayan na bagamat isang topmost priority ang pagiging makabayan, maaaring i-maximize na lamang ang National Service Training Program (NSTP) bilang isang alternatibong programa para sa mga kabataan.
Matatandaan na una ng binuwag ang ROTC matapos ang pagkamatay ng isang University of Santo Tomas cadet na si Mark Chua na napaulat na nawala matapos na maghain ng pormal na reklamo laban sa korupsiyon sa ROTC program ng kanilang unibersidad noong 2001 at pinalitan ito ng National Service Training Program.