NAGA CITY-Tinaga ang isang lalake sa Brgy. Sibujo, Libmanan, Camarines Sur.
Kinilala ang biktima na si Andy San Lucas De la Peña, 54-anyos, residente ng Brgy. Mampungo, Paracale, Camarines Norte, habang kinilala naman ang suspek na si Alvin Abasola, residente ng Brgy. Cambalidio, Libmanan, Camarines Sur.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Libmanan Municipal Police Station, napag-alaman na nag-iinuman aniya ang suspek at ang biktima nang magkaroon sila ng komprontasyon.
Base sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, ito ang naging rason kaya tinaga ni Abasola ang biktima, na tumama sa kanyang tiyan.
Pagkatapos nito ay kaagad naman na tumakas ang suspek.
Dinala naman ang biktima sa isang ospital para sa tulong medikal. Sa ngayon, pinaghahanap pa ang suspek at nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad tungkol sa insidente.