-- Advertisements --

GENERAL SANTOS CITY – Inaalam na ng General Santos City Police Office(GSCPO) ang motibo at identity ng suspek sa pamamaril sa isang empleyado ng Register of Deeds (ROD) sa Delfin Compound, Corner Yumang Street, Brgy. San Isidro, General Santos City.

Kinilala ang biktima na si Marylou Zamora Bañes, 57-anyos, may asawa at residente ng nabanggit na lugar.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Aldrin Gonzales, Deputy Chief ng GSCPO, may direktiba na si City Director PCol. Jomar Alexis Yap na magsagawa ng malalim na imbestigasyon sa kaso

Aniya, hindi nila inaalis na maaaring may kaugnayan sa trabaho bilang releasing officer sa Register of Deeds ang pamamaril sa biktima.

Nasa intensive care unit(ICU) pa rin ang biktima matapos magtamo ng mga sugat matapos barilin ng di kilalang suspek ng maraming beses.

Matatandaang pauwi na ang biktima sakay ng tricycle nang binaril ito ng suspek na sakay ng motorsiklo.

Ang pamamaril sa biktima pang-apat na shooting incident nito lamang buwan ng Hunyo.