-- Advertisements --

Hawak na ng mga otoridad at nakatakdang sampahan ng kasong frustrated parricide ang isang anak matapos nitong pinagtataga gamit ang isang itak ang sariling ama sa Obong bayan ng Dalaguete Cebu.

Nakilala ang biktima na si Jose Hontiveros, 70 anyos isang magsasaka habang ang suspek na anak nito ay kinilalang si Jennifer Hontiveros.

Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay PMaj Clemente Ceralde Jr, officer-in-charge ng Dalaguete Police station, sinabi nitong nag-ugat ang alitan ng dalawa matapos pang inutusan ng ama ang kanyang anak na anihin ang kanilang sibuyas ngunit tumanggi pa ito.

Paulit-ulit din umanong sinabihan ang suspek na inumin na ang kanyang gamot kaya nangyari ang mainit na pagtatalo ng dalawa kaya humantong sa pananaga.

Dahil dito, nagtamo ng lubhang sugat sa mukha at iba’t ibang parte ng katawan ang biktima na ngayon ay patuloy pa’ng ginagamot sa pagamutan.

Agad namang nahuli ang suspek sa isinagawang follow-up operation.

Dagdag pa niya na nagtamo din umano ng sugat ang suspek dahil may itak din umanong dala ang biktima sa panahon ng alitan.

Batay sa kanilang background check, sinabi pa ni Ceralde na dati na umanong na-rehab ang suspek sa loob ng anim na buwan dahil sa nervous breakdown at inamin din umano nitong gumagamit ng droga.

Mensahe pa nito sa publiko na wag magpadala sa init ng ulo at manatiling kalmado sa anumang dala-dalang problema sa buhay dahil aniya, lahat naman ng problema ay may solusyon.