-- Advertisements --

Ginulat ni Mayor Joseph Rañola ang kanyang mga nasasakupan matapos na inanusyo nitong bababa ito sa pwesto bilang alkalde sa bayan ng Jagna Bohol epektibo ngayong Disyembre ng kasalukuyang taon.

Isinapubliko nito ang kanyang desisyon kasabay sa pagdiriwang ng ika-125 na anibersaryo ng Araw ng Kalayaan noong Lunes, Hunyo 12, sa harap ng mga kawani at opisyal ng bayan.

Sinabi pa ni Rañola na patuloy niyang pagsilbihan ang Jagna kahit wala na siya sa posisyon dahil hindi pa umano niya kailangang maging mayor o magkaroon ng ibang posisyon sa gobyerno para tumulong.

Ibinunyag pa nito na babalik siya sa Maynila para matutukan ang kanyang consultancy firm kung saan ito ay isang budget consultant ng mga matataas na opisyal doon at mga senador.

Idinagdag pa ng alkalde na hindi na sana siya tumakbong muli bilang alkalde sa Mayo 2022 elections ngunit hindi niya matanggihan ang kahilingan ng kanyang mga tagasuporta.

Samantala, papalit naman sa kanya bilang alkalde si Vice Mayor Teofisto Pagar habang si first councilor Wilfredo Ranis Viñalon ang uupo sa vice mayoral post simula sa Enero 01, 2024.