KALIBO, Aklan — Halos hindi pa makapaniwala ang isang Akeanon na si Khio Jerick Donguines Jumarang matapos na manguna sa December 2022 Physical Therapist Licensure Examination sa rating na 89.30% na isinagawa ng Professional Regulation Commission.
Sa interview ng Bombo Radyo Kalibo, aminado si Jumarang na may itinakda siyang goal para sa kanyang sarili, subalit hindi inaasahang magiging top 1 sa naturang eksaminasyon.
Noong araw na ipinalabas aniya ang resulta ng pagsusulit ay hindi siya nagbukas ng kanyang cellphone dahil sa nararamdamang kaba.
Nang magdesisyung muling buksan ang cellphone, nagulat na lamang siya dahil sa sunud-sunod na mensaheng natanggap at nagko-congratulate sa kanya.
Sa kabilang daku, gusto umano niyang itama ang misconcepcion ng iba na ang physical therapists at manghihilot ay iisa lamang.
Si Khio ay nagtapos sa University of the East Ramon Magsaysay Memorial Medical Center.
Kasama sa kanyang balak ang kumuha ng kursong medisina.
Umaabot sa 1,186 na examiners mula sa 1,981 na takers ang pumasa sa eksaminasyon na isinagawa noong Dec. 1-2, 2022.
Pinasalamatan rin nito ang kanyang pamilya lalo na ang kanyang inang si Mrs. Khara Donguines Jumarang at lola na si Mrs. Remia Donguines.










