-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Nakikiisa ang Isabela Consumer Watch Inc. sa panawagan ng Pamahalaang Lunsod ng Ilagan na magbitiw na sa puwesto si General Manager David Solomon Siquian ng ISELCO 2.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay G. Raffy Jacinto, Pangulo ng Isabela Consumer Watch Inc. sinabi niya na nagagalak siya dahil sa ginawang hakbang ng Pamahalaang Lunsod ng Ilagan na nanawagan ng pagbibitiw sa puwesto ni GM Siquian.

Maliban kay General Manager Siquian ay ipinapanawagan rin ng Isabela Consumer Watch Inc. ang pagbibitiw na rin sa pwesto ng mga board of directors at department heads ng ISELCO II.

Matatandaang ang panawagan ng Isabela Consumer Watch Inc. ay nag-ugat sa pagbaril patay kay Internal Audit Manager Agnes Palce at ang hindi magandang kinalabasan ng Annual General Membership Assembly (AGMA) noong araw ng Linggo sa bayan ng Quezon dahil sa kawalan ng quorum.

Nakatakdang hilingin ng grupo sa National Electrification Administration (NEA) na magsagawa na ng election ng bagong magiging board of directors ng Iselco II ngayong buwan ng Agosto.

Matatandaang labis na nadismaya ang karamihan sa mga member consumers na dumalo sa AGMA noong Araw ng Linggo dahil sa hindi umano pagbibigay sa kanila ng pagkakataon ng ISELCO II na makapag salita at masabi ang kanilang mga mungkahi at ang hindi pagkakatuloy ng umano’y Open Forum na ipinangako sa kanila.