-- Advertisements --

Itinanggi ng Iranian Oil Terminals Company ang mga ulat kaugnay ng umano’y oil leak malapit sa Kharg Island, isa sa pangunahing oil export hubs ng Iran sa Persian Gulf.

Lumabas ang mga ulat matapos magpakita umano ang satellite imagery ng malaking oil slick sa karagatang nasa kanluran ng isla nitong mga nakaraang araw.

Ayon sa chief executive ng kumpanya, nagsagawa sila ng masusing inspeksyon sa mga storage tanks, pipelines, loading facilities, at mga tanker sa lugar ngunit wala silang nakitang anumang senyales ng tagas ng langis.

Sinabi rin ng opisyal na wala ring naitalang oil leakage ang Marine Emergency Mutual Aid Center o MEMAC, isang regional marine pollution monitoring body.

Dagdag pa rito, nagsagawa umano ang mga Iranian teams ng karagdagang field inspections at laboratory testing matapos kumalat ang mga ulat, ngunit wala silang natukoy kahit maliit na bakas ng oil spill.