-- Advertisements --

Nagbanta ang Iran nitong Huwebes na magsasagawa ito ng “Long and painful strikes” laban sa U.S. sakaling ipagpatuloy ng Washington ang panghihimasok sa Strait of Hormuz.

Patuloy kasi na hinaharangan ng Iran ang strait bilang tugon sa naval blockade ng Estados Unidos. Dahil sa pagsasara apektado nito ang tinatayang 20% ng pandaigdigang suplay ng langis at gas sa buong mundo.

Bagama’t may umiiral na tigil-putukan mula Abril 8, nananatiling deadlock ang negosasyon.

Ayon sa ulat, inaasahang bibigyan ng briefing si U.S. President Donald Trump hinggil sa mga planong panibagong military strikes laban sa Iran upang pilitin itong makipagkasundo.

Ang naturang plano ay agad na nakaapekto sa pandaigdigang merkado, kung saan pumalo sa mahigit $126 kada bariles ang presyo ng Brent crude bago bumaba sa humigit-kumulang $113.

Nagbabala naman ang isang opisyal ng Revolutionary Guards na anumang pag-atake ng Amerika ay kanilang tutugunan ng malawak na pinsala laban sa mga base militar at barko nito sa rehiyon.

Sa isang pahayag, sinabi ni Iran Supreme Leader Mojtaba Khamenei na layunin ng Tehran na wakasan ang umano’y pang-aabuso ng mga dayuhan sa Strait of Hormuz, at iginiit na mananatili itong nasa ilalim ng kanilang kontrol.

Samantala, nagbabala si Antonio Guterres ng United Nations na kung magtatagal ang krisis, posibleng bumagal ang global growth, tumaas ang inflation, at mas maraming tao pa ang maaaring malugmok sa kahirapan at kagutuman.

Patuloy ring tumitindi ang tensyon sa rehiyon matapos maglunsad ang Iran ng mga drone at missile attacks laban sa mga target sa Israel, mga base militar ng U.S., at mga imprastraktura sa Gulf states.

Sa gitna nito, pinag-aaralan ng US ang iba’t ibang opsyon kabilang ang paggamit ng ground forces upang muling buksan ang Strait of Hormuz, gayundin ang pagbuo ng isang bagong coalition na tinawag na Maritime Freedom Construct upang tiyakin ang seguridad sa rehiyon.

Ilang bansa tulad ng France at United Kingdom ang nagpahayag ng kahandaang tumulong, ngunit nilinaw na ito ay posible lamang kapag natapos na ang digmaan.

Sa kabilang dako, sinabi ni Japanese Prime Minister Sanae Takaichi na nakipag-ugnayan siya kay Iran’s President Masoud Pezeshkian para tiyakin ang ligtas na pagdaan ng mga barko ng Japan.