-- Advertisements --

Nanindigan ang Iran na hindi ito makikipag-usap kaugnay sa panibagong nuclear talks hanggang inuulan ng pag-atake ang kanilang bansa.

Ginawa ng Iran ang pahayag matapos magbabala ang Israeli Defense Minister sa matagalang labanan sa Islamic Republic.

Nauna na kasing hiniling ni Iran Foreign Minister Abbas Araghchi sa kaniyang pakikipagpulong sa European diplomats sa Geneva na muling buhayin ang diplomatic efforts sa Amerika kaugnay sa nuclear programme ng kanilang bansa.

Sinabi din ng Iranian official na handa silang ikonsidera ang pagkakaroon ng diplomasiya sa oras lamang na matigil na ang agresyon ng Israel.

Iginiit din ng opisyal ng Iran na mapayapa ang kanilang nuclear programme at ang mga pag-atake ng Israel umano ang lumabag sa international law.

Bunsod nito, ipagpapatuloy umano ng Iran ang pagpapairal ng kanilang lehitimong mga karapatan sa pagdepensa sa kanilang sarili at hindi aniya negotiable ang defense capabilities ng Iran.

Samantala, sa gitna ng nagpapatuloy na palitan ng pag-atake sa pagitan ng Israel at Iran, iniulat ng human rights group na pumalo na sa tinatayang 639 ang bilang ng mga nasawi noong Huwebes.