
Ibinida ng Department of the Interior and Local Government ang ilan sa mga naging matagumpay na resulta ng mas pinaigting na kampanya nito kontra ilegal na droga sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ito ay matapos na makumpiska ng mga otoridad ang bilyun-bilyong halagang katumbas ng ilegal na droga, kasabay ng pagkakaaresto nito sa libu-libong mga indibidwal na may kinalaman pa rin dito sa loob lamang ng limang buwan.
Sa isang pahayag ay iniulat ni Interior Secretary Benjamin Abalos Jr. na sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr. ay umabot na sa Php9.9 billion ang halaga ng nasabat na na ilegal na droga sa bansa, habang nasa 24,159 drug-related individuals naman ang kanilang naaresto mula noong Hulyo 1 hanggang Nobyembre 24, 2022.
Aniya, ang hakbang na ito ay bahagi pa rin ng pagpapatuloy ng kasalukuyang pamahalaan sa sinimulang drug war campaign ng Duterte administration.
Ngunit nilinaw naman ni DILG Director Marlo Guanzon na ay gagamitin ng gobyerno ngayon ang pinagsasama-samang tulong ng komunidad, kabataan, paaralan, simbahan, mga pribadong sekto, at ang taumbayan para sa pagsugpo sa suliranin ng bansa hinggil sa ilegal na droga.
Kung maaalala, kaugnay nito ay kamakailan lang ay naglunsad na rin ang nasabing kagawaran ng kanilang nationwide anti-illegal drugs program na tinawag na “Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan” or BIDA campaign na nakafocus sa demand reduction at rehabilitasyon ng mga indibidwal na nalulong na dito, alinsunod pa rin sa naging pangako ni Pangulong Marcos Jr. na ipagpapatuloy ang war on drugs sa bansa kasabay nang pagsasaayos at rehabilitasyon nito.










