
Bagamat tinawag ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Sec. Ivan John Uy ang kanilang ilulunsad na mga programa sa 2023, sinabi nitong hindi muna niya iaanunsiyo kung ano-ano ang mga ito.
Pero sinabi ni Uy na ito ay may kaugnayan pa rin sa science, technology, engineering, at mathematics.
Maglulunsad din umano sila ng mga short-term courses at long-term programs sa cybersecurity.
Ito ay para matulungan ang bansa na magtatag ng cybersecurity workforce.
Ang mga short courses naman daw ay magiging daan para sa rapid deployment ng cybersecurity professionals at long-term programs at sila ay makikipag-partner sa educational institutions at government agencies na in charge sa education.
Sa ngayon, base sa dato, nasa 200 lamang ang certified cybersecurity experts o ang mga mayroong hawak ng Certified Information Systems Security Professional (CISSP) certifications.
Sa naturang bilang, nasa 30 percent lamang ng mga ito ay nasa bansa at ang mas malaking pursiyento ay nagtatrabaho sa ibayong dagat.
Aminado naman si Uy na marami umanong talentado na technical people sa ating bansa pero hindi sila nagka-qualify sa naturang mga trabaho dahil wala silang credentials.
Bilang tugon, nakikipag-ugnayan na raw ang DICT sa mga malalaking technology companies gaya ng CISCO, Oracle, Intel at Microsoft para tumulong sa pagbibigay ng certification programs sa mga Pinoy.
Ilan daw sa mga ito ay tatlo hanggang sa anim na buwang certification saka nila iimbitahan ang mga technical people para mag-enroll.
Ginawa raw nila itong libre ay mula dito ay bibigyan sila ng scholarship para makakuha ng certification.
Maliban naman daw sa kasalukuyang global demand para sa cybersecurity experts na mayroong tinatayang dalawa hanggang sa tatlong milyong job vacancies sa buong mundo, naghahanap din umano ng mas maraming cybersecurity experts ang mga local business process management companies, financial institutions, bangko at ang mga business sector.
Una nang sinabi ni Uy na para masolusyunan ang long-term need para sa cybersecurity experts nakikipa-ugnayan na raw ang DICT sa Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at state universities at colleges para mag-develop ng mas maraming courses sa area.
Nitong Disyembre lamang, inilabas ng United States Agency for International Development (USAID) ang kanilang “National Cybersecurity Talent Workforce Assessment of the Philippines.”
Dito lumalabas ang kakulangan ng credentialed o certified at experienced cybersecurity workforce sa Pilipinas.










