Maaring gamitin ang anti-insurgency budget ng pamahalaan o ang intelligence funds ng Pangulo para sa karagdagang pondo sa sahod ng mga guro na magsisilbi sa 2022 elections, ayon kay ACT Teachers party-list Rep. France Castro.
Sinabi ito ni Castro sabay ng kanyang panawagan para sa mas mataas na pasahod sa mga guro na magtatrabaho sa halalan sa susunod na taon.
Ayon kay Castro, mayroon namang P10 billion fund ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict at P4.5 billion na intelligence fund si Pangulong Rodrigo na maaring gamitn para sa hinihingi nilang dagdag na honoraria ng mga guro.
Para sa kongresista, presidential pork ang mga pondong ito, na hindi naman naipapaliwanag o na-audit ng Commission on Audit, kaya puwedeng magamit sa apela nila.
Sinabi ni Castro na nais ng ACT na taasan ng Comelec ang honoraria ng mga guro ng P3,000 pa.
Nauna nang tinaasan ng Comelec ang honoraria ng mga guro ng P1,000 hanggang P7,000 para sa Election Board chairman, P6,000 para sa mga miyembro ng election board, P5,000 para sa staff ng DepEd, P3,000 para sa support staff, at P3,000 din sa medical personnel.
Nais din ng ACT na mabigyan ng food at transportation allowance ang mga guro na required dumalo sa mga trainings bago pa man ang eleksyon.










