Isang sex toy ang muling inihagis sa court sa huling bahagi ng laro ng Women’s National Basketball Association (WNBA) kung saan tinalo ng Atlanta Dream ang Chicago Sky, 86-65, nitong Huwebes (araw sa Amerika) ng gabi.
Nauna nang naiulat ang katulad na insidente sa iba pang games tulad sa Atlanta (Hulyo 29), Chicago (Biyernes), at Los Angeles (Martes).
Ayon sa pulisya, isa pang sex toy ang itinapon sa nangyayaring game sa Atlanta, ngunit hindi tiyak kung umabot ito sa court.
Maalalang isang lalaki ang inaresto sa College Park, Georgia, noong Sabado matapos umano niyang ihagis ang sex toy sa laro ng Atlanta Dream kontra Golden State Valkyries noong Hulyo 29, at naulit muli kontra Phoenix Mercury noong Biyernes.
Kinasuhan ang suspek ng disorderly conduct, criminal trespassing, public indecency, at indecent exposure.
Samantala sa Phoenix, isa pang lalaki ang inaresto matapos ihagis ang sex toy sa loob ng arena, na tumama sa isang manonood. Ayon sa pulisya, ang 18-anyos na suspek ay sinampahan na ng kasong assult, disorderly conduct, at public display of sexually explicit material.
Nagbabala naman ang WNBA na ang sinumang mahuhuling naghahagis ng anumang bagay sa court ay haharap sa hindi bababa sa isang taong ban at posibleng pagkakakulong.